Showing posts with label istorya. Show all posts
Showing posts with label istorya. Show all posts

Friday, August 10, 2012

Mag-Computer Muna Tayo


Mag-Computer Muna Tayo
Ni
Lorenzo A. Fernandez, Jr.
           
Napatingin ako sa aking relos nang mag-umpisang burahin ng titser ko sa Math ang mga nakasulat na formula sa blackboard, tanda na matatapos na ang klase.  Limang minuto bago mag-alas-nuwebe ng umaga.  Isinuksok ko ang aking notebook at calculator sa aking backpack.  Nagpagpag ng eraser si Mr. Grabe, titser namin, para matanggal ang mga nakadikit na pulbos ng chalk dito at saka sinabing puwede nang lumabas.
            Napabuntunghininga ako nang makalabas sa classroom.  Computer time, naisip ko.  Ang sarap magpalipas ng oras sa computer.  Hindi na ako papasok sa Filipino.  Lumakad ako palabas ng gate ng high school at ilang hakbang lang ay nasa isang computer shop na ako.
            Naupo ako sa aking paboritong upuan na medyo malapit sa pinto.  Hinubad ko ang aking puting polo at isinabit ko ito sa likod ng upuan.  Naiwan sa aking katawan ang puting T-shirt na may tatak na VIPER sa harap.  Inumpisahan kong maglaro.  Hindi ba mas exciting ang game na ito kaysa subject na Filipino?  Ah, kahit na bumagsak pa ako.
            Bagsak nga ako sa nakaraang periodical test at bagsak din ang grade ko sa report card nang ibigay ito sa akin kahapon.
            Sa halip na pumasok ako sa Filipino, dito ako sa computer shop.
            Hindi pa alam ng mga magulang ko na nagka-cutting classes ako.  Ewan ko ba.  Parang nakababagot pumasok sa hindi mo gusto.  O baka na-addict na ako sa computer.  Meron ba n’on?
            Pati ang paborito kong Math ay apektado na rin.  Minsan ay naging best in Math pa ako.  Pero magmula nang malulong ako sa paglalaro ng computer games ay bumaba na ang marka ko rito, kasama ang ibang subjects, sa third grading, at sa kauna-unahang pagkakataon, bumagsak ako sa Filipino.
            Hindi bale, may fourth grading pa naman.  Paano na nga kaya?  Tingnan natin.
            “Filipino lang, ibinagsak mo?” sabi ng aking Daddy nang makita ang aking marka kahapon.  “Magtapat ka nga, ano ba ang nangyayari sa ‘yo?”
            “Wala.”
            Karaniwan ay ganoon ang sagot ko kung nagsisinungaling.  Napapakamot na lang si Dad at napapailing.  Mayamaya’y magpapabili na lang siya ng alak sa aking bunsong kapatid.
            “Bulok talaga ang mga kabataan ngayon!” bulalas ng daddy ko kung siya’y medyo lasing na.  “Dahil sa FM radio, telenobela, cellphone, at ang lintik na computer na ‘yan na pampabobo!  Hindi mo ba alam iyan?”  Parang may hinagap siya na nahuhumaling ako sa computer, sa maling gamit nito.
            “Hindi,” sabi ko na parang nakakaloko.
            “Hindi nakakabobo kung gagamitin mo sa pagre-research!”
            “Nagre-research din ako.”
            Pero ang hinahalungkat ko’y mga games sa Internet na walang kinalaman sa aking pag-aaral, lalo na sa Filipino.  Madaling makuntento ang Daddy kapag nakakarinig siya ng paliwanag kahit ito’y kasinungalingan.  Siguro, hindi pa nauubos ang kanyang pasensiya.  Alam naman niya na malapit na ang graduation namin, pero hindi niya binabanggit na maaaring hindi ako maka-graduate kung patuloy ako sa pagwawalang-bahala sa aking pag-aaral.  Lalong hindi siya bumabanggit tungkol sa pera, na nilulustay ko lang araw-araw sa pagko-computer sa maling paggamit nito.
            Dalawampung minuto na akong naglalaro sa computer, ayon sa aking relos.  Marami ring estudyanteng gaya ko ang naglalaro.  Napakamalas na mga magulang!  Pero mas masarap ang maglaro na lang o maging streetwise (naririnig kong sabi ng mga walang hilig sa pag-aaral) kaysa magbasa ng katakut-takot na libro sa library at maging nerd!  Sa palagay ko’y hindi lang nila kayang maging nerd dahil mga moron sila na hindi kasundo ang mga librong dapat pag-aralan.  Ngunit sa harap ng computer, bida at super-galing ang pakiramdam nila.  Sa totoo lang, hinihintay ko lang na magsawa ako sa pagko-computer at iiwanan ko na ang mga moron na nandito.  Kailan kaya?
            Sumandali akong nakadama ng pagtaas ng temperatura ng aking katawan dahil medyo exciting na ang habulan at bakbakan ng mga good and bad guys sa laro.
            May katabi akong estudyante na ayon sa kanya’y first year.  Regular din siya dito at pamilyar na siya sa akin.  “Labuyo Gid” ang tawag sa kanya, pinaikling labi, tuyo, at gilagid.  Mukha kasing tuyo at may makakapal na labi na parang jumbo hotdog.  Palaging nakabuka ang bibig at litaw na litaw ang gilagid kung ito’y ngumingiti, kahit bahagya.  Libang na libang o hibang na hibang siya sa harapan ng screen, luwa ang mga mata sa pagkakatitig dito, bidang-bida ang pakiramdam niya.
            Biglang bumukas ang pinto ng computer shop.  Hindi estudyante ang pumasok kundi isang lalaking medyo maskulado, palagay ko’y mga 45 years old, kasing tanda ni Dad.  Napatingin siya sa gawi ko.  Lumapit siya, pero hindi sa akin kundi sa katabi ko. 
            Napapalatak sa tuwa si Labuyo Gid sa kanyang paglalaro, napapabilis ang pagtuldok ng daliri niya sa keyboard.  Nakipanood na ang mama sa ginagawa niya at ako’y huminto sa paglalaro at iyong mama ang gusto kong obserbahan dahil naiintriga ako. 
            Hindi pa rin napapansin ito ni Labuyo.  Saka pa lang siya nag-angat ng mukha nang magsalita ang mama, na ama pala niya!
            “Dito ka pala pumapasok, hindi sa school!”  Nasundan ito ng katakut-takot na sermon at pagmumura na hindi kayang lamunin ng isang asong kalye, o ng matakaw na biik, at lalong hindi puwedeng i-print sa kahit anong magasin.  Magmumukhang santo ang aking tatay kung ikukumpara mo sa tatay na iyon.
            Lumabas na sila pero naririnig ko pa rin ang mga mura.  Kunsabagay, ordinaryo na lang iyon sa mga ordinaryong tao, pero masyadong cheap, walang finesse, ‘ika nga.  Wala na akong gana.  Isinuot ko ang aking uniporming puting polo. Makalabas na nga rin.
            “Pogi, wala pang kalahating oras, a,” sabi sa akin ng matabang bantay sa computer room, na ang katawan ay parang sumo wrestler.
             “May assignment pa ako sa Filipino,” sabi ko.  “Mahalaga iyon.”
             “Balik ka mamayang hapon, pogi.”
            “Oo, mas pogi ka,” ‘kako.  Pero hindi niya alam na hindi na ako babalik at maglalaro ng computer kahit kalian.

Sa Mambabasa:  Nalathala ito sa Liwayway noong Nobyembre 13, 2006 gamit ang pangalan ng aking anak na si Justin.
           
             

Sunday, August 21, 2011

Aplikante

Ofice-worker Stock Images
Tama ang sabi sa akin ng aking katabi noon habang hinihintay namin ang magbibigay ng exam para makapagturo kung papasa.  Hindi lang basta papasa, aniya, meron pang interview na kung hindi mo alam ang isasagot ay hindi ka dapat umasa na matatanggap at hindi na iyong kaalaman ang sinisubok dito, kundi iyong kakayahan mong magsinungaling.
            Ako’y 21 noon, bagong graduate sa isang state university sa Central Luzon.  Siyempre, paniwalang-paniwala ako sa salitang “honesty.”  Bagama’t 99 percent ng aking mga kaeskuwela noon ay hindi na honest—ibig sabihin, mahilig nang mangopya o mandaya—hindi ko sila kinaiinggitan dahil doon sila sanay.  Ako’y nasanay na maging tapat hanggang makatapos ng kolehiyo, kahit ano pa ang sabihin nila.
            Kanino ko pa ba makukuha ang ugaling ito kundi sa aking pinagmulan?  Napasok din sa pagtuturo ang aking Daddy at naging principal pa, taglay ang ganoong ugali.  Iyon ang aking nakagisnan.  Kaya ko pa bang baguhin iyon?
            Hindi ko masyadong pinansin ang sinabi ng aking magandang katabi, ngumiti lang ako.  Kayumanggi ang kanyang kutis, parang tsokolate, nakabuka nang bahagya ang mga labi.  Damang-dama ko ang lakas ng kanyang sex appeal.  Ang bango na naaamoy ko sa kanya ay natural, tila galing mismo sa kanyang sariwang balat.  (Pero saka na iyan dahil wala pa akong trabaho.)  Sinabi pa niya na nangangailangan din ng mga teachers sa isang AMA computer school na naraanan niya at puwede raw kaming mag-apply na dalawa.
            Medyo nagkaka-interes na ako sa kanya at sa kanyang sinasabi nang siya namang pagdating ng taong magbibigay ng exam at ipinamahagi niya ang mga test papers.
            Madali lang ang exam at ako ang unang nakatapos at lumabas sa examination room, habang ang ilang naiwan ay kandahaba pa ang mga leeg na parang mga ostrich sa pangongopya dahil bulag ang watcher.
            Pagkaraan ng isang linggo, nalaman kong pumasa ako at nasama pa sa top ten.  Pumasa rin ang tsokolate kong katabi sa exam.  Isang linggo uli ang nakaraan, nasa examination room na naman kami para sa interview.
            “You are asked by your fellow teachers to join a protest rally, will you join?” tanong ng isang babaeng titser na kabilang sa panel ng nag-i-interview.
            “No, I won’t join the rally,” sagot ng una mula sa aking kaliwa.
            “No, I won’t join too,” sabi naman ng pumapangalawa.
            Ganoon din ang sabi ng pangatlo.  Parang naka-programmed  na ang sasabihin nila.
            Ang sumunod bago ako ay isang graduate sa UP, si Pederico Horsey Ordinario.  Disente ang kanyang kasuotan, plastado ang buhok dahil sa gel, walang balbas at kamukha siya ng kanyang middle name.  Laging nakanganga ang bunganga, litaw ang malalaking ngipin na gaya ng kabayo.  Sigutro, iba ang sagot nito, UP, e.
            “Although I’m a graduate of UP, which is the center of student protest rallies, I will never attend any rally,” sabi ng kabayo.  “My class will sufer . . . .  I am not after the salary.  Quality education is more important to me, blah, blah, blah . . .”
            Iba nga ang sagot ng galing sa UP.  Mas mahaba, pero ganoon din.  May quality education pang sinasabi.  Sino ba ang nagtataglay ng quality education kundi iyong mga ibon sa kagubatan at iyong tinatawag na katutubo?  Mas malayong matanda ang kanilang sibilisasyon at hindi kontaminado.
            “Ito ang gusto kong marinig,” sabi naman ng isang titser na lalaki na ako ang tinutukoy, pero sa tingin ko’y hindi lalaki.  Hindi mapakali ang kanyang mga daliri.  “Maybe, he has guts.  May balbas pa,” bulong niya sa katabing maestra.
            “Of course, I will—“ sabi ko.
            “Oh,” sabi ng maestra na napapailing.  “Will you give us your reasons?”
            “I’ve been brought up to be honest,” panimula ko.  “This is the right time to prove it once again—of course, at my own risk.  Others say they won’t join any rally.  Well, I’ll tell you what I have in mind.”  Napatigil ako dahil maalinsangan.
            “Go on, tell me.”
            “I will join the rally if I think it’s sensible.  If, for example, their demand for higher wages is reasonable, I will even lead the rally.  However, if politics is involved, you can count me out.  I wouldn’t want myself to be used.”
            Lima silang nag-i-interview sa amin at nakita kong sinulatan nila ng bilog ang listahan, sa bandang tapat ng aking pangalan.
            “All right, next batch,” sabi ng pinakalider ng mga nag-i-interview.
            Sa huling linggo ng Mayo, nalaman ko ang resulta.
            Hindi ko mahanap ang aking pangalan sa listahan sa labas ng opisina ng department of education sa Quezon city hall.  Pumasok ako sa loob at nagtanong sa isang babae na siyang may hawak ng record ng mga tinanggap na titser sa high school.
            “Nakapasa ka sa exam, pero hindi sa interview,” sabi niya.  “Siguro, wala kang experience.”
            “Sino ba ang meron?  Pare-pareho kaming bagong graduate.  Siguro, ibang experience iyon.”  Ah, experience sa pagiging sinungaling, ang naisip ko.
            “Wala na akong alam diyan.  Taga-hawak lang ako ng record.  May itatanong ka pa?”
            “Wala na. Sige, thank you.”
            “You’re welcome.”
            Gano’n lang siguro, umakto na may finesse sa publiko, kahit tinatarantado ka na.
           
            Magmula noon, hindi ko na sinubukang mag-apply uli sa trabaho.  Naisipan kong magpaskel ng karatula sa tapat ng aming bahay.  Dalawa ang aking major kaya ang nakasulat dito ay:  Private Tutor—Math and English.  Madalang pa sa patak ng ulan sa summer ang nagpa-tutor sa akin.  Okey na rin, kahit paano meron pa naman akong ibang kita galing sa pagpapasaka ng pitong ektaryang bigay ng aking mga magulang.  Higit sa lahat, girlfriend ko na si Tsokolate na nagtuturo na ng Math sa high school sa Quezon City.  Ano pa ba’ng hihilingin ko?
            Dalawang taon ang lumipas at nakalimutan ko na ang insidente ng aking pag-a-apply sa pagtuturo.  Isang araw, habang umiinom ako ng Red Horse at nakikinig ng radyo sa sala, sinabi ng announcer na may nagaganap na malawakang protesta ng mga guro sa Metro Manila.  Ininterbyu ng radio patrol ang isa sa mga lider ng mga nagra-rally.
            “Ano’ng pangalan mo?  Ano ang karaingan ninyo?”
            “Pederico Horsey Ordinario po.  Matagal nang delayed ang aming suweldo.  Baka hindi pa ibigay ang aming bonus.  Anong klaseng gobyerno ito? . . . blah, blah, blah—“
            Bigla kong pinatay ang radyo.
            I will never attend any rally. . . .  I am not after the salary. . .
            Anak ng kabayo!  Sinungaling!  Kumandidato ka na lang at bula-bulatawin mo ang mga tao!
            Tama ang sabi sa akin ng aking katabi noon na misis ko na ngayon, kung isa kang aplikante.  Totoo ang mga naganap sa istoryang ito.  Pero kung mahirap paniwalaan, ituring n’yo na lang ito na kuwento ng pag-ibig ng isang malas na aplikanteng hindi marunong magsinungaling.
              
--Lorenzo A. Fernandez Jr.

Paalala sa mambabasa:  Unang nalathala ang kuwentong ito sa Liwayway noong Oktubre 15, 2007, gamit ang aking pen name na Jon D. Amadeo.  May ilang bahagi akong binago dito dahil gusto kong mas detalyado ang mga ito, pero and buod ng istorya ay gano’n pa rin.