Monday, August 22, 2011

Pulutan


Habang pauwi ako kahapon ng hapon, sakay ng aking motorsiklo, may isang van ang nag-overtake sa akin.  Mayamaya, isang asong nakabulagta ang aking nakita sa gitna ng daan.  May tatlong lalaki ang tumitingin dito at ang narinig kong sabi ng isa, “Pulutan, pare!” 
            Isa akong teacher sa high school, sa isang barrio sa bayan ng Muñoz.  Lunes hanggang Biyernes ay nagdaraan ako sa dakong iyon na siyang tanging daang shortcut para makauwi agad sa aming bahay na may layong limang kilometro mula sa eskwelahan.
            Wala rin palang ipinagkaiba, noon at ngayon, naisip ko.  Naalala ko tuloy noong ako’y lima o anim na taon.  Bagong lipat kami sa isang barrio dahil doon nadistino ang aking Daddy bilang guro sa elementary school.  Mura pa ang lupa noon, kaya nakabili siya ng kalahating ektarya na may kasama nang bahay.  Ilang hakbang lang ang distansya nito sa eskwelahan.
            May ilang puno ng mangga, siniguwelas at kamachili sa paligid ng bahay.  Sagana rin sa damo ang lupa lalo na sa nasisikatan ng araw.  Wala pang bakod, pero ang bumabakod dito ay mga puno ng ipi-ipil na nakakabitan lang ng isang linya ng barbed wire.             Sa laki ng mga guwang sa bawat puno ay puwedeng pumasok at lumabas ang ibang mga hayop, kahit anong hayop. Natuon ang pansin ko sa mga dahon at damo.  Siguro, puwedeng magpastol ng kambing.  Sinabi ko ito sa Daddy ko at di kalaunan may alaga na akong dumalagang kambing.  Masipag kumain ng damo, gusto rin ang mga dahon, lalo na iyong galing sa sineguelas at dito ko siya itinatali tuwing hapon kung lubog na ang araw at sa umaga’y malaya uli siyang manginain ng damo.  Hindi naman siya nagtatangkang lumabas ng bakuran, kaya hindi ko problema ang pagbabantay.
            “Alagaan mong mabuti iyan,” sabi ng Daddy.  “Sa Pasko ay papartihin natin.  Matagal na rin akong hindi nakakatikim ng dinuguan at papaitan.”
            “Ayoko,” tutol ko.  “Pararamihin ko.”
            “Oh, I see.  Magaling.  Ikaw rin, pag dumami baka hindi mo na kayang alagaan.”
            “Kahit sampu lang.”
         “Ikaw ang bahala, pero sa Pasko, kambing pa rin ang gusto ko.  Sabagay, marami naman sa palengke. . .”
            Tuwang-tuwa ako at binigyan ako ng kapangyarihan na paramihin ang lahi ng kambing.  Naisip ko na kapag sampu na sila ay hihirit na naman ako at hihilingin ko na magpagawa na ng goat house para doon na sila pakainin at paramihin.  Marami namang paraan para mapakain sila kahit nakakulong.  Puwede akong magtanim pa ng ibang damo at bumili ng supplementary feeds.  Anong malay ko, baka magkaroon pa ako ng malawak na goat farm balang araw. . . .  Nahimbing ako na ganoon ang iniisip.
            Mayamaya, nakarinig ako ng palahaw na iyak ng kambing. “Mee, mee!”  Kahit sinong Nero o Hitler na makarinig ay tiyak na madudurog ang puso.
            Nagising din si Daddy.  “Nadisgrasya yata si Dumalaga,” sabi niya.  Dumungaw ako sa bintana at wala na nga sa kinatatalian niya ang kambing.
            “Matulog ka na, bukas ko na hahanapin.”
            “Wala na akong aalagaan.  Paano na ngayon?”
            “Huwag kang mag-alala,” sabi niya.  “Kukuha na lang ako ng kapalit.”
            Magkahalong lungkot at poot ang aking naramdaman.  Kahit mapunta ka pala sa isang napakagandang lugar, ito’y pumapangit dahil sa masamang gawi ng mga tao.  Isang leksyon iyan na sa mura kong edad ay hindi ko makalimutan.
            Malamig ang umaga kinabukasan, umulan kagabi at mamasa-masa ang dating tigang na ilog sa bandang likod lang ng aming bahay.  May mga kawayan din sa likod ng bahay na sakop pa rin aming bakuran, tamang-tama sana sa iniisip kong gagawing kulungan ng mga kambing.  Pero gumuho lahat ng aking pangarap dahil naglipana naman pala ang mga magnanakaw ng kambing.  Kambing lang kaya?
            Maagang nagising si Dad, ako rin.  Nagawi kami sa ilog.  Sa tulay ay natanawan namin sa ibaba ng tabi ng ilog ang mga aso na nag-aagawan sa karne ng kung anong hayop na iyon.  Bumaba kami sa tulay sa dakong mabuhangin na pinagbaunan ng hayop.  Hindi naman nanlalapa ng tao ang mga aso dito, kaya madali naming binugaw at sila’y nagsilayuan.  Ang alaga ko ngang kambing ang nahukay at nilalapa ng mga aso, balahibo, balat at ulo lang ang natira.  Ang buto’t laman siguro ay pinulutan ng mga lasenggo, naisip ko.
            Napapailing na lang si Dad.  “Mabuti pa’y aso na lang muna ang alagaan mo.  Pag malaki na, saka ako kukuha ng bagong kambing.  At least, may bantay ka nang kasama.”
            Bumili ang Daddy ng isang tutang nalahian daw ng police dog, matingkad na kayumanggi ang kulay ng balahibo.  At nang ito’y lumaki, nasabi niya, “Puwede nang bumili ng kambing, may guwardiya na siya.”
            “Matalinong aso, napansin ko,” sabi ko.  “Madaling turuan at bawalin kung nanghahabol ng tao.”
            “May lahi ngang police dog.”
            Isang umaga, pupungas-pungas pa ako, nang may narinig akong tumatawag sa tarangkahan.  “Tao po, Maestro.”
            Sumilip ako sa bintana at may kasama pang dalawang lalaki ang tumatawag.  Binuksan ko ang pinto at paglabas ko ng bahay ay nakita kong nakabulagta malapit sa tarangkahan si German Brown, iyon ang ipinangalan ko sa aso.
            “Hoy, pakisabi nga kay Maestro, patay ‘yong aso niyo,” sabi ng tumatawag, na bastos sa akin, pero magalang kunwari kay Daddy.
            Paanong nangyari iyon?  Kagabi lang ay naglalaro pa kami ng hide and seek ni German Brown.
            “Sabihin mo rin kung puwede naming hingin.”
            Sinabi ko kay Daddy ang nangyari at ang hiling ng tatlong lalaki.
            “Naghahanap lang ng mapupulutan ang mga lasing na ‘yon,” nasabi ni Dad.  “Madali lang gumawa ng paraan, kahit masama, kapag ginusto.  Mula ngayon, wala nang kambing o aso.  Magtanim na lang tayo ng kamote.”
            “Hindi ba pinupulutan ang kamote?” tanong ko.
            Ginulu-gulo niya ang buhok ko.  “Hindi, pero hinihingi na lang kung tamad magtanim ang mga taong nakapalibot sa iyo.  Sa isang taon, mag-aaral ka na.  Maging masipag sa pag-aaral.  Tandaan mo, ang bunga ng iyong pinag-aralan ay hindi kayang nakawin at pulutanin ninuman, at lalong hindi ito hinihingi.  Ito’y binabayaran.”
            Lumipas ang maraming taon at isa na rin akong maestro.  Paborito ko rin ang kambing kung namumulutan kami ng mga kasama kong maestro. At may alaga na naman akong aso  na pinapabakunaan ko taon-taon ng anti-rabies.  Suwerte lang ang makakadale nito, mataba, pero Quickie ang pangalan dahil maliksing kumilos.
            Bandang alas-sais ng hapon, dumating ako sa bahay.  Hinanap ko agad si Quickie. 
            “Quickie!  Yoo-hoo!”
            Dati-rati ay sumasalubong na siya pag narinig ang ugong ng motorsiklo.  May pasalubong pa akong kalderetang kambing na nakabalot sa plastic, natirang  pulutan naming mga titser kanina.
            “Wala na, “ sabi ng aking maybahay nang marinig ako.
            “Ano?”
           “Kaninang bandang alas-kuwatro, napansin kong susuray-suray siya, bumubula ang bibig.  Wala pang isang oras, dedo na.  Hiningi ng mga lasenggo, alam daw nila ang gagawin para hindi sila malason, kung ito’y nilason.  Buhay nga naman sa barrio Tagay!  Sana matsambahan nila sa susunod nilang lalasunin iyong may rabies para sila naman ang mangisay!”
            Wala akong nasabi kundi, “Magtanim na lang tayo ng kamote.”


--Lorenzo A. Fernandez Jr.

No comments:

Post a Comment