Tuesday, September 6, 2011

Rizaldo

Swimming Pool Greek Islands Free Stock Photography

Hindi ako nakikipag-usap sa mga walang utak,” pahayag ni Rizaldo nang magkasarilinan kami sa isang mesa, malapit sa swimming pool.  Tumikim siya ng pansit at lumpia sa harapan namin.
            “Madaldal ka naman kaninang naliligo ka,” sabi ko.  Wala akong hilig maligo sa swimming pool.  Sila lang ng mga kasama ko ang nagpapakalunoy.
            “Peke iyon, mga walang kabuhay-buhay na kausap.  Sana, may alak.”
            “Bawal iyon . . . masasaya naman sila, a.”
            “’Yon nga ang diperensya.  Masyadong mababaw ang kaligayahan.  Nababagot tuloy ako.  Sana may alak tayong iniinom.  Pasalamat sila’t bawal . . .”
            Si Rizaldo ay kasamahan ko sa isang pagpupulong ng lahat ng miyembro at opisyal ng Parish Youth Council (PYC), kasama ang mga kabataang lider sa bawat barangay na sakop ng Cabanatuan.  Tatlong araw na retreat at mga activities tungkol sa pagpaplano sa mas maayos na pamamalakad ng PYC, kung saan ako’y isang officer sa Worship Service.  Umupa ang simbahan ng isang simpleng resort at dito kami sa loob ng tatlong araw.
            Bandang alas-singko ng hapon at katatapos lang ng aming pagpupulong.  Siyempre, kailangang mag-unwind, pero walang alak dahil bawal sa panrelihiyong gawain naming mga kabataan. 
            Pero kahapon, may narinig daw si Rizaldo na may dalawang paring nagbibiruan pagkatapos kaming bigyan ng orientation sa worship service.
            “Pagod na pagod ako.  Pare, may beer ba tayo diyan?” sabi ng isang pari.
            “Sayang, hindi ako nagdala.  Mamaya na lang pag-uwi,” sabi naman ng isa.
            Nagtatawanan pa raw sila, pero hindi ako doon naiintriga kundi kay Rizaldo, lalo na sa kanyang mga sinasabi.  Siya ang makata sa grupo at natural sa kanya ang gumamit ng mabubulaklak at matatalinghagang salita.  Gaya kaninang umaga, siya’y pinagbigyan na tumula, ayon na rin sa pangungulit niya sa emcee.  Makapal ang mukha niya sa mga ganoong sitwasyon.  Nai-record ko sa tape ang kanyang tula:
Ang buwan ay sumisikat sa silangan,
Ang araw ay nagsasabog ng dilim.
Maraming isda sa kagubatan,
Maraming mangga sa karagatan.
Taong naiwan ay walang pakialam,
Hayop pa rin hanggang ngayon.
            Palakpakan, tawanan kami, kahit walang naiintindihan.  Matalinghaga talaga.  Pero hindi pa siya nasiyahan.  Inayos-ayos niya ang kanyang buhok at kuwelyo ng kanyang puting polo at saka muling humarap sa mikropono.  Gusto rin yata niyang magtalumpati.
            “Mga ginoo, mga dilag na naririto,” panimula ni Rizaldo,  “matatapos na rin ang ating kalbaryo at ako’y labis ang kagalakan datapuwa’t hindi ko pa rin madalumat ang ilan sa mga ginintuang aral na ibinahagi sa atin ng Diyos at ng kanyang mga butihing alagad.  Masasabi ko, sa edad kong disi-nuwebe, na nakakulong pa rin ako sa hawla ng kabataan—kabataan na siyang pag-asa raw ng bayan.  Subalit tulad ng ordinaryong kabataan, tayo, bagama’t inaralang magsilbi sa Diyos at sa ating parokya, ay hindi pa rin ligtas sa kasayahan at aliw tulad nito, wala nga lang alak . . .”
            Pshaw!  Hindi makalimutan ang alak.  Naiisip ko tuloy na baka alcoholic siya.  Ako, kahit gapatak ay hindi pa nakakatikim ng sinasabi nilang “bilog” o “agua de pataranta” o “demonyo.”  Pero wala naman sa hitsura ni Rizaldo ang natataranta, kalmante pa nga siya.  Kaya niya ang demonyo?
            Iyon nga lang, batay sa kanyang talumpati at tula, halatado kong nambobola.  Sabagay, madali rin namang mauto ang mga pangkaraniwang tao, iyon pa nga ang gusto nila.  Pero ang nambobola at napapabola ay parehong may problema, tandaan mo iyan, magandang punto iyan, di ba?
           
            Nabaling ang aming usapan sa talumpati at tula niya kaninang umaga. 
            “Mabulaklak at matalinghaga ang banat mo kanina,” sabi ko.
           Tinapik-tapik niya ang kanyang malapad na noo.  “Wala, bola lang iyon.  Iyon ang gusto nilang marinig, e.” 
            “Iyon nga ang napansin ko.”
            “Mabuti ka pa, napansin mo.  Ikaw ang gusto kong kausap, Dustin.  Alter ego kita, dahil hindi ka umiinom.”  Sumandali siyang napatigil at nag-isip.  “Ano kaya ang gagawin ko pagkatapos nito?”
            “Hindi ka ba nag-aaral?”
            “Kabilang ako sa out-of-school youth na nandito.  Gusto ko mang mag-aral wala naman kaming ganito.”  Sumenyas nang pabilog ang hinlalaki at hintuturo niya, ibig sabihin ay walang pera.  “If given the opportunity, I would like to be a doctor.  May mga duktor nga diyan pero ang gusto’y maging politikong makabayan o nagkukunwaring makabayan.  Ang gusto ko’y gawa lang nang gawa at hindi puro dada.”
            “Okey naman iyong tula mo kanina,” ‘kako.  Isiningit ko ‘yon dahil siya nga itong dada nang dada.
            “A, ‘yon?  Gusto mo pa isa?”
            Hindi na niya ako hinintay na sumagot.
            “Habang bumabagyo, tumutubo ang apoy sa buhangin.  Habang nasusunog, umaani ng yelo ang mga bato at kapag nalaglag ang bunga ng bayabas, ang matsing ay nagiging buwaya.  Buwa, ha, ha!”  Napahagalpak siya ng tawa.
            Napapatingin sa amin ang mga nagtatampisaw sa swimming pool.  Pakaway-kaway pa ang mga babae.  Patango-tango lang naman ako sa kanila, pero dumidila sa kanila si Rizaldo.
            “O ano, Dustin, sisid na.”
            “Wala akong hilig diyan, galisin pa ako.”
            “Alter ego talaga kita.  Hayaan  mo na, mga walang kuwenta iyan.  Dito tayo sa may kuwenta.”
            Ano naman kaya ang may kuwenta?  Pero hindi ko maiwasang siya’y pakinggan.  Ibang klase ito.
            “I ought to be ashamed of myself,” patuloy niya.  “I don’t want to be a poet or a writer.  Masyadong cheap.  Palaging pinagbibigyan ang kababawan ng mga tao para lang mapansin at sumikat.  Nahihiya na ako sa sarili ko.  Sabi ko kanina, gusto kong maging duktor.  Ngayon, gustong kong masuka.  Sana matapos na ang retreat na ito at makainom ng bulok na alak sa bahay.”
            May kakaibang kislap ang kanyang malalim na mga mata at napansin kong nanginginig-nginig ang kanyang kamay nang uminom siya ng softdrink.  “Sana hard ito,” sabi niya.
            Nagdaan ang mga araw at wala na akong balita kay Rizaldo.  Hindi na kasi siya pumupunta sa opisina ng PYC kung may mahalagang pagpupulong o aktibidad.  Dumating ang semestral break namin, hindi ako nakatiis at hinanap ko si Rizaldo sa naikuwento niyang barangay na tinitirhan niya.
            “Ah, si Rizaldo ba?” paniniyak na sabi ng kapitbahay nila.  “Nandoon na sa rehab sa Palayan City.  Alcoholic at addict pala ang batang iyon.  Sayang, matalino pa naman . . .”

--Lorenzo A. Fernandez Jr.



Sunday, September 4, 2011

Palipad-Hangin


Girl In A Park Free Stock Photography
Nasa labas kami ng aming room, hinihintay ang pagdating ng propesor na magbibigay sa amin ng exam sa Animal Husbandry.  Nang mainip ako sa pagkakatayo sa tabi ng pinto, naglakad-lakad ako.  Naupo ako sa isang bench na di kalayuan sa aming room.  Natatanaw ko sa aking kaliwa ang ilang kaklase ko sa main entrance ng lobby, naglalakad papasok sa aming room.  Napapadaan ang ilan sa aking harapan kung nanggagaling sila sa kanlurang pinto ng Agriculture building.
            Hindi ko pinapansin ang pagdaan-daan nila sa harap ko, maliban lang kung matatanaw ko ang aking kaklaseng si Beverly.  Nang makatapos ako ng high school sa Wesleyan, nag-enroll ako ng kursong Agriculture sa CLSU.  Nakilala ko si Beverly at siya ang unang babaing nagustuhan ko.
            Hindi ko namalayan ang biglang pagdating niya.  Saka ko lang siya nasulyapan nang mapatapat siya sa akin.
            “Walang lakas ng loob,” sabi niya sa kanyang kausap nang makalagpas sila sa tapat ko.
            “Meron,” sabi ko, pero hindi ko sila tiningnan.
            Napatingin at napangiti si sa kasama niyang babae na kaklase ko rin.  Ah, malakas na ang loob ko ngayon.  Nalaman ko at alam din ng karamihan na break na sila ng boyfriend niyang si Black Pig (Tony Morones ang tunay niyang pangalan), iyon ang tawag sa kanya ni Beverly dahil maitim, ngipin lang ang maputi.
           
            Minsan ay nakasalubong ko noon sina Beverly at Black Pig.  Papasok ako sa pinto ng CLSU library at papalabas naman sila.  Kulay rosas ang paligid pag nakikita ko si Beverly.  At ang tinik, iyon si Black Pig, sino pa?
            “Nerbiyoso.  May daga sa dibdib,” sabi ni Beverly.
            “Patay na patay sa ‘yo.  Huwag siyang magkakamali’t pagugulungin ko siya!” parinig ni Black Pig bago sila nagtawanan.
            Black Pig, go to hell!  Mas bagay ka roon kaysa kay Beverly!  Gusto kong isigaw iyon pero namula ang mukha ko.
            Bakit ba nagpaparinig ang tao?  Dahil traydor, duwag, o bakla.  Kailangang ang parinig ay marinig, at ang nakarinig, karaniwan nang nagbibingi-bingihan dahil duwag din siya.  Pero sa taong matalas, matapang, sensitibo, may mga pagkakataong siya ay gumaganti rin ng parinig, o baka upakan ka na lang.
            Sa kaso ko, nauunahan ako talaga ng nerbiyos (pero hindi ako duwag) at kahit sigurado akong ako ang tinutukoy nila ay hindi agad ako makaganti.
            Malayo na ang nalalakad ng mga nagparinig sa akin ay saka pa lang ako nag-iinit, huli ang reaksiyon.  Tinanaw ko sila mula sa bintana ng library at papasok na sila sa canteen.  Sana ay ulitin ni Black Pig ang parinig at gugulong siya sa akin.  Pero malayo na sila.
            Ang parinig o pahaging ay mapakla, masakit.  Ang palipad-hangin ay matamis, mapanukso.  Pero pareho lang sila dahil hindi tuwirang sinasabi.
            Pero ang dating ng sinasabi ni Beverly sa akin ay isang matamis na palipad-hangin, mula sa kanyang mapanukso at mapupulang labi, na parang palaging naghihintay ng masuyong halik.  Pero paano kung nalagyan na ng tetano ni Black Pig?  Gusto ko pa rin?  No problemo.  Kung gusto ako ng babae at gusto ko rin, no problemo.  Paano kung . . . ah, wala iyan, bastos.
           
            Tumayo ako at lumakad patungo sa aming classroom.  Nakasalubong ko ang isang kaklase at sinabi niyang hindi matutuloy ang exam namin.  Bukas na lang daw.  Pumasok ako sa loob.  May mga kaklase na naiwan kahit walang hinihintay na propesor.  Nandoon pa rin sina Beverly, nakaupo sa gawing unahan na malapit sa mesa at blackboard.  Suwerte ko talaga.  Naupo ako sa bandang likod nila.
            “Ano’ng palagay niya sa akin, cheap?”  Kunwari ay nagtatanong siya sa katabi niyang si Pacua, ang bakla naming kaklase pero kamukha naman daw niya si Gringo Honasan. Pshaw, baka Gringa. “Kung halimbawa, nag-break kayo ng boyfriend mo, siyempre may manliligaw na naman.  Ano ako, cheap?  Hindi ako cheap!”
            “Bakit?  Virgin ka pa ba?” tanong ni Pacua.
            “Buwisit kang Pacua ka!  Basta, hindi ako cheap!” ulit niya.  “Pinapaikot ko lang siya, kumakagat naman.  Bopol.  Enga.  Walang alam sa mundo.  Ano siya?  Sinusuwerte?  Ano naman ang tingin niya sa akin?  Cheap?”
            Bigla akong tumayo.  Ayoko ko nang marinig ang susunod pang pahaging.  Hindi lang pala bulag ang umiibig.  Gusto ring maging bingi.
            Malayo na ako sa Agriculture building ay parang naririnig ko pa ring nagsasalita si Beverly.  Ginagantihan ko naman siya sa isip.  Cheap, cheap, cheap!  Ako ang nagmukhang cheap.  Ikaw, maganda ka nga pero pumatol kay Black Pig, sa isang pangit kaya pangit na rin ang tingin ko sa ‘yo!

            Isang linggo na ang nakararaan ay lalo akong naging inis kay Beverly.  Lalo pa’t nakikita kong meron na naman siyang manliligaw, o boyfriend kaya?  Hindi ko alam, hindi ako nakikialam.
            Kahapon, nasa loob ako ng library, nagbabasa ng diyaryo.  Dumating siya at naupo sa harapan ko.  Inilapag ko sa mahabang mesa ang newspaper at nakipagngitian sa kanya.  Hindi ko na naman maiwasan ang tumitig sa kanyang makinis at maputing mukha, sa kanyang parang bagong gising na mga mata.
            “Mr. Facundo, puwede ka bang maimbita?” tanong niya.
            Oh, parang madudurog ang puso ko sa lambing ng boses niya!  Pero teka, hindi naman Facundo ang apelyido ko kundi Raymundo.  Hindi na bale.
            “Para saan?”  tugon ko.  Excited pa ako.
            “Anniversary kasi ng fraternity namin sa Sabado.  Baka gusto mo ring maging member,” pag-iimbita niya.  Naalala ko ang nababasa ko tungkol sa mga fraternity at sa mga kababalaghang ginagawa nila.  Kaya biglang nag-iba ang timpla ng aking utak.
            “Pasensya ka na, Bevy,” ‘kako.  “Wala akong hilig diyan sa sinasabi nilang kapatiran.  Iba ako.”
            Nabigla siya sa sinabi ko at napasimangot.  Hindi niya inaasahan ang isasagot ko sa kanya.  Mayamaya, tumayo siya nang mamataan ang isang lalaking mala-jumbo hotdog ang mga labi, hindi ko kilala—tawagin ko na lang siyang Labi. Siya ang nakikita kong parang nanliligaw sa kanya, at sumabay na si Beverly sa paglabas sa library.
            Kaninang umaga, nagparinig ang kasama niyang si Pacua, alyas Gringa.  “Mataat ang pride!”  Mataas ang ibig niyang sabihin.  Hindi niya mabigkas ang s, kahit sa apelyido niya, kaya Pacua ang bigkas niya sa Pascua.
            Mahilig daw ako sa fried chicken.  Pero para sa akin, ang pride lang ang siyang tanging matatakbuhan ng isang taong may natitira pang respeto sa sarili.  Kung wala kang pride, wala kang galang sa sarili mo, wala kang kuwentang tao.
            Nakaramdam din ako ng lungkot kahit paano.  Hindi bale, marami namang pagpipilian si Beverly sa mga ka-frat niya.  Saka, unang taon ko pa lang dito sa CLSU. Marami pang mangyayari.  Maganda ba ang aking pagtanggi?  Ewan ko.  Ngunit ito ang siyang magbibigay daan para humanap ako ng kagaya niya at umibig uli, pero hindi na siya.

--Lorenzo A. Fernandez Jr.

Sa Mambabasa:  Nalathala ito sa Liwayway noong Enero 15, 2007, gamit ang pangalan ng aking anak.  Ito ang aking orihinal na katha bago ito inedit at lumabas sa Liwayway.