Tuesday, September 6, 2011

Rizaldo

Swimming Pool Greek Islands Free Stock Photography

Hindi ako nakikipag-usap sa mga walang utak,” pahayag ni Rizaldo nang magkasarilinan kami sa isang mesa, malapit sa swimming pool.  Tumikim siya ng pansit at lumpia sa harapan namin.
            “Madaldal ka naman kaninang naliligo ka,” sabi ko.  Wala akong hilig maligo sa swimming pool.  Sila lang ng mga kasama ko ang nagpapakalunoy.
            “Peke iyon, mga walang kabuhay-buhay na kausap.  Sana, may alak.”
            “Bawal iyon . . . masasaya naman sila, a.”
            “’Yon nga ang diperensya.  Masyadong mababaw ang kaligayahan.  Nababagot tuloy ako.  Sana may alak tayong iniinom.  Pasalamat sila’t bawal . . .”
            Si Rizaldo ay kasamahan ko sa isang pagpupulong ng lahat ng miyembro at opisyal ng Parish Youth Council (PYC), kasama ang mga kabataang lider sa bawat barangay na sakop ng Cabanatuan.  Tatlong araw na retreat at mga activities tungkol sa pagpaplano sa mas maayos na pamamalakad ng PYC, kung saan ako’y isang officer sa Worship Service.  Umupa ang simbahan ng isang simpleng resort at dito kami sa loob ng tatlong araw.
            Bandang alas-singko ng hapon at katatapos lang ng aming pagpupulong.  Siyempre, kailangang mag-unwind, pero walang alak dahil bawal sa panrelihiyong gawain naming mga kabataan. 
            Pero kahapon, may narinig daw si Rizaldo na may dalawang paring nagbibiruan pagkatapos kaming bigyan ng orientation sa worship service.
            “Pagod na pagod ako.  Pare, may beer ba tayo diyan?” sabi ng isang pari.
            “Sayang, hindi ako nagdala.  Mamaya na lang pag-uwi,” sabi naman ng isa.
            Nagtatawanan pa raw sila, pero hindi ako doon naiintriga kundi kay Rizaldo, lalo na sa kanyang mga sinasabi.  Siya ang makata sa grupo at natural sa kanya ang gumamit ng mabubulaklak at matatalinghagang salita.  Gaya kaninang umaga, siya’y pinagbigyan na tumula, ayon na rin sa pangungulit niya sa emcee.  Makapal ang mukha niya sa mga ganoong sitwasyon.  Nai-record ko sa tape ang kanyang tula:
Ang buwan ay sumisikat sa silangan,
Ang araw ay nagsasabog ng dilim.
Maraming isda sa kagubatan,
Maraming mangga sa karagatan.
Taong naiwan ay walang pakialam,
Hayop pa rin hanggang ngayon.
            Palakpakan, tawanan kami, kahit walang naiintindihan.  Matalinghaga talaga.  Pero hindi pa siya nasiyahan.  Inayos-ayos niya ang kanyang buhok at kuwelyo ng kanyang puting polo at saka muling humarap sa mikropono.  Gusto rin yata niyang magtalumpati.
            “Mga ginoo, mga dilag na naririto,” panimula ni Rizaldo,  “matatapos na rin ang ating kalbaryo at ako’y labis ang kagalakan datapuwa’t hindi ko pa rin madalumat ang ilan sa mga ginintuang aral na ibinahagi sa atin ng Diyos at ng kanyang mga butihing alagad.  Masasabi ko, sa edad kong disi-nuwebe, na nakakulong pa rin ako sa hawla ng kabataan—kabataan na siyang pag-asa raw ng bayan.  Subalit tulad ng ordinaryong kabataan, tayo, bagama’t inaralang magsilbi sa Diyos at sa ating parokya, ay hindi pa rin ligtas sa kasayahan at aliw tulad nito, wala nga lang alak . . .”
            Pshaw!  Hindi makalimutan ang alak.  Naiisip ko tuloy na baka alcoholic siya.  Ako, kahit gapatak ay hindi pa nakakatikim ng sinasabi nilang “bilog” o “agua de pataranta” o “demonyo.”  Pero wala naman sa hitsura ni Rizaldo ang natataranta, kalmante pa nga siya.  Kaya niya ang demonyo?
            Iyon nga lang, batay sa kanyang talumpati at tula, halatado kong nambobola.  Sabagay, madali rin namang mauto ang mga pangkaraniwang tao, iyon pa nga ang gusto nila.  Pero ang nambobola at napapabola ay parehong may problema, tandaan mo iyan, magandang punto iyan, di ba?
           
            Nabaling ang aming usapan sa talumpati at tula niya kaninang umaga. 
            “Mabulaklak at matalinghaga ang banat mo kanina,” sabi ko.
           Tinapik-tapik niya ang kanyang malapad na noo.  “Wala, bola lang iyon.  Iyon ang gusto nilang marinig, e.” 
            “Iyon nga ang napansin ko.”
            “Mabuti ka pa, napansin mo.  Ikaw ang gusto kong kausap, Dustin.  Alter ego kita, dahil hindi ka umiinom.”  Sumandali siyang napatigil at nag-isip.  “Ano kaya ang gagawin ko pagkatapos nito?”
            “Hindi ka ba nag-aaral?”
            “Kabilang ako sa out-of-school youth na nandito.  Gusto ko mang mag-aral wala naman kaming ganito.”  Sumenyas nang pabilog ang hinlalaki at hintuturo niya, ibig sabihin ay walang pera.  “If given the opportunity, I would like to be a doctor.  May mga duktor nga diyan pero ang gusto’y maging politikong makabayan o nagkukunwaring makabayan.  Ang gusto ko’y gawa lang nang gawa at hindi puro dada.”
            “Okey naman iyong tula mo kanina,” ‘kako.  Isiningit ko ‘yon dahil siya nga itong dada nang dada.
            “A, ‘yon?  Gusto mo pa isa?”
            Hindi na niya ako hinintay na sumagot.
            “Habang bumabagyo, tumutubo ang apoy sa buhangin.  Habang nasusunog, umaani ng yelo ang mga bato at kapag nalaglag ang bunga ng bayabas, ang matsing ay nagiging buwaya.  Buwa, ha, ha!”  Napahagalpak siya ng tawa.
            Napapatingin sa amin ang mga nagtatampisaw sa swimming pool.  Pakaway-kaway pa ang mga babae.  Patango-tango lang naman ako sa kanila, pero dumidila sa kanila si Rizaldo.
            “O ano, Dustin, sisid na.”
            “Wala akong hilig diyan, galisin pa ako.”
            “Alter ego talaga kita.  Hayaan  mo na, mga walang kuwenta iyan.  Dito tayo sa may kuwenta.”
            Ano naman kaya ang may kuwenta?  Pero hindi ko maiwasang siya’y pakinggan.  Ibang klase ito.
            “I ought to be ashamed of myself,” patuloy niya.  “I don’t want to be a poet or a writer.  Masyadong cheap.  Palaging pinagbibigyan ang kababawan ng mga tao para lang mapansin at sumikat.  Nahihiya na ako sa sarili ko.  Sabi ko kanina, gusto kong maging duktor.  Ngayon, gustong kong masuka.  Sana matapos na ang retreat na ito at makainom ng bulok na alak sa bahay.”
            May kakaibang kislap ang kanyang malalim na mga mata at napansin kong nanginginig-nginig ang kanyang kamay nang uminom siya ng softdrink.  “Sana hard ito,” sabi niya.
            Nagdaan ang mga araw at wala na akong balita kay Rizaldo.  Hindi na kasi siya pumupunta sa opisina ng PYC kung may mahalagang pagpupulong o aktibidad.  Dumating ang semestral break namin, hindi ako nakatiis at hinanap ko si Rizaldo sa naikuwento niyang barangay na tinitirhan niya.
            “Ah, si Rizaldo ba?” paniniyak na sabi ng kapitbahay nila.  “Nandoon na sa rehab sa Palayan City.  Alcoholic at addict pala ang batang iyon.  Sayang, matalino pa naman . . .”

--Lorenzo A. Fernandez Jr.



No comments:

Post a Comment